LOLA, HUMIHINGI NG CLOSURE MATAPOS I-GHOST NG KANYANG FIRST LOVE ANIM NA DEKADA NA ANG NAKAKARAAN “Hindi ko talaga makalimutan ang first love ko. Siya pa lang kasi ang lalaking nagsabi sa akin na mahal niya ako. Ang pangalan niya, Guillermo. Nu’ng 1950s kami nagkakilala. Matipuno siya. Nagbo-boxing, lumalaban sa mga barangay sa Maynila. Matangos ang ilong. Nu’ng una pa lang, sabi niya ‘Puwede ba kitang ligawan?’ Umabot ng isang taon bago kami naging magnobyo’t nobya. Apat na taon din kaming magkarelasyon. Sa buong pagsasama namin, hindi kami nag-away. Hindi kami nagsasagutan. Wala talagang away. Pero bigla na lang siyang hindi nagparamdam! Hindi ko na siya nakita ulit. Hindi na kami nagkausap. Minsan, napapanaginipan ko siya. Sabi ko, ‘Hoy, ang daya mo! Sabi mo walang iwanan. Ba’t mo ako iniwan? Hindi ka man lang nagpaalam!’ Sabi ng anak kong isa, "Pag nandiyan na siya, anong gagawin n’yo?" Sabi ko, "Tatakbo ako't yayakapin ko siya!" -Lola Avelina 85-anyo